Kidlat Karimlan
October 17, 2005Isang maikling talambuhay ni Corsarius. Sinulat ko ‘to para sa isang General Elective na kurso sa UP Diliman. Babala: May pagka-mayabang ang pagkakasulat nito.
Marso 1998
Ang bigat-bigat naman ng leeg ko.
Lagi na lang ganito bawat taon. Sampung medalyang nakasabit sa leeg, at meron pang ibang naka-aspile sa polo. Sa aking pitong taong pamamalagi dito sa Lourdes School of Quezon City, wala na akong nakamit kundi tagumpay lamang. Kahit anong patimpalak ang aking salihan, ke Ingles o Tagalog man, ke tungkol sa Bibliya o agham, ke reading comprehension o simpleng baybay ng mga salita, pinapakyaw ko lahat. Walang pinapalagpas. Ginto, pilak, tanso -– ayos na kahit ano, pampadami din ng mailalagay sa yearbook, pangpuno ng shoebox kung saan ko iniipon ang aking mga premyo.
At ngayong araw ng aking pagtatapos mula sa paaralang Katoliko, wala na akong mahihiling pa. Ako’y hinirang bilang salutatorian. Ayan tuloy, ako ang inatasang bumigkas ng pambungad na panalangin. Maraming kamera at videocam ang nakatutok sa namamawis kong mukha, pero okey lang, sanay na ako. Mula sa showbiz at gameshows, nahasa na ako sa pag-arte’t pagsalita sa tapat ng kamera.
Kung nanonood ka ng Hirayamanawari at Sineskwela, marahil ay nadatnan mo na ang malusog kong mukha sa iyong TV screen. Miyembro kasi ako ng ABS-CBN Talent Center. O di ba, di lang pang-akademika, pang-showbiz pa. At kung masugid kang tagasunod ng Battle of the Brains ni David Celdran, isa ako sa mga napanood mong trying-hard maging henyo. Pero okey lang matawag na trying-hard, basta ba nakaabot naman ng Grand Finals e.
Pitong taon, mula prep hanggang ika-anim na baitang. Sadyang kaytulin tumakbo ni Tatang Panahon. Ngayon, habang nakatayo dito sa podium, hindi pa rin ako makapaniwalang nagawa kong maging bibong bata at artista ng sabay.
Kay saya naman ng buhay.
Sana’y ganito pa rin pagtapak ng mataas ng paaralan. Bagong kaibigan, bagong kapiligiran; medyo kinakabahan na ako. Paano ba naman, sa kilabot na Philippine Science High School ako papasok. Sa awa ng Diyos, pumasa ako sa dalawang entrance exam.
Masubukan ngang magpakitang gilas doon –- gaya ng nakasanayan.
Abril 2002
Hindi ako makapaniwala.
Tatanggap daw ako ng medalya sa graduation. Sabi nila, Excellence Award in Journalism. Ako, na palaging nasa Top 30 Most Delinquent Students. Ako, na ilang beses nang naka-singko sa Math. Ako, si ‘Jakimps’, kilalang manliligaw ng isang prinsesang Muslim, isang romantikong inuuna ang babae kesa grades.
HIMALA!
Ganito pala ang nagagawa ng aking pagkapanalo sa National Schools Press Conference noong Pebrerong nakaraan. Biro mo, sa daan-daang taong dumagsa sa General Santos City, ako ang nagkamit ng unang gantimpala sa kategoryang Newswriting. Sana’y mabilib naman si Prinsesa Bai.
Bai. Oo, iyon ang pangalan niya, ang prinsesang Muslim na binanggit ko kanina. Sa apat na taon ko dito sa Pisay (tawag naming sa aming paaralan), lahat na lang ginagawa ko ay alay sa kanya. Korni ba? Sabihin mo iyan sa milyon-milyong lalaki na kapag napamahal sa isang babae ay nababaliw at nagkakanda-letse-letse ang buhay.
At iyon nga ang nangyari sa akin. Sa halip na ituloy-tuloy ang suwerteng dala mula nung grade school, dito’y puro singko at kuwatro ang nasisilayan ko bawat quarter sa aking report card. Buti na lang, nakaabot pa ako ng fourth year at hindi nasipa. Malaking kahihiyan sana iyon. Salutatorian ng Lourdes, kick-out ng Pisay?! Hallelujah.
At hindi lang si Bai ang dahilan. Na-adik din kasi ako –- hindi sa bawal na gamot, kundi sa video games. Mayroon na siguro akong koleksyon ng isandaang laro sa bahay, at katumbas marahil ng mga ito ang daan-daang oras na sana’y nilaan ko na lamang sa pagpapaganda ng grado –- o pagpaparami ng pogi points kay Bai. Sana naman hindi ako mabasted sa kanya.
Pero okey na rin; gaya nga ng sabi nila, “all’s well that ends well.” Tatanggap na ako ng diploma sa isang buwan, at pagdating ng Hunyo, papasok na ako sa pinakabagong yugto ng aking buhay. Pinagpalad ulit ako na makapasa sa isang entrance test, ngayon sa UP naman. At alam ko –- heto na iyon, ang pinakahuling bahagi ng pag-aaral, pinakahuling pagkakataon para ibalik ang aking ‘glory days’ noong grade school.
At papasok din pala si Bai sa UP. Ang huling alas sa panliligaw, ihahanda ko nang ilabas.
Kailangan ko nang ayusin ang buhay ko.
Mayo 2004
Kadidiwang ko lang ng aking ika-19 na kaarawan, kasabay ng araw ng eleksyon. FPJ vs. GMA. Kung sino matalo, asar-talo na lang. Basta ako, pakiramdam ay parang nanalo ng lotto.
Mula sa pagiging pabagsak-bagsak sa Pisay, College Scholar na ako sa Peyups.
Hindi naging madali ang pagiging CS ko nitong nakaraang semestre. Noong freshman year ko, naka-singko ako. Siyempre, ang dalawang dahilan ay si Bai at video games. Akala ko nga, ang UP Diliman ang ‘to be continued’ ng aking buhay-Pisay. Sabi ko pa nga sa sarili, wala nang pag-asa na ako’y magbago pa.
Nagkamali ako. Kinangailangan lang palang masaktan ako ng husto para magalit, magtrabaho, magpuyat, magsakripisyo, at umunlad.
Isang taon na rin kasi ng ako’y mabigo kay Prinsesa Bai.
Iyon ang naging hudyat para ako’y saniban ng kakaibang espiritu. Nabura ang video games sa utak ko. Nabura ang babae sa puso ko. Puro aral na lang ang aking inatupag. Hindi ko alam kung bakit ganoon ang aking naging reaksyon sa nangyari; marahil ay gusto ko lamang patunayan na hindi ako talunan at hindi karapat-dapat na isinasantabi na lamang.
At hindi lang sa pag-aaral nagkaroon ng pagbabago. Hindi naging hadlang ang aking pagiging estudyante ng Kolehiyo ng Inhinyeriya para aking tuparin ang pangarap na maging tanyag na manunulat. Nagsisimula na rin akong lumathala ng mga tula’t maikling kuwento, maging isang makata’t kuwentista’t nobelista sa Ingles at Tagalog, maging isang inhinyero na malikhain ang pag-iisip at panulat-kamay.
Kaya naman kapag ako’y walang magawa, ako’y nag-iisip na ng mga pen-name, mga nom de plume na pwedeng magbigay sa akin ng bagong personalidad. Sa Ingles, pwede na siguro ang P.Y. Kimpo, isang abang panggagaya kay T.S. Eliot. Pero mas gusto ko ang sa Tagalog –- Kidlat Karimlan. Ito’y sarili kong likha, hango sa aking kathang “Kidlat sa Dilim”, isang maikling kuwento na sabi ng aking guro sa Pisay ay isali ko daw sa Palanca. Masubukan nga sa susunod. Malay mo, manalo ako. Pero sa ngayon, hindi ko muna ito iniisip. Baguhan palang ako sa pagsusulat.
Bakit Kidlat Karimlan? Isang kidlat na rumaragasa sa dilim, o kidlat na walang silakbo’t ilaw, isang direktang kontradiksyon sa kahulugan ng salitang ‘kidlat’? Nasa mambabasa na kung paano niya bibigyang kahulugan ang ngalang ito.
Previous Comments
Hi! cute mo… ikaw b yung nakapink sa isang pic na kamukha ni Ranier ng starstruck?
All comments are moderated. Your comments will not appear here unless approved by the blog owner. Thank you.









ANg galing. Its not everyday that I see something interesting as what you've written. Siguro nga hindi kayo ni Prinsesa Bai para sa isa't isa. But it aint your loss. Mahahanap mo rin ang babaeng para sayo. And sana sa pagdating ng panahon na yon, maging masaya ka na…
Posted by diane at May 20, 2006, 4:12 pm